top of page

Muling Pagsilip"

(Kasaysayan ng Wika)

     ni: Kristian Rezaga

Isang wikang hango sa iba’t ibang katutubong wika

Isang wikang pitak ng malaking pamilyang yaon

Isang wikang sagisag ng bansang Pilipinas

Isang wikang kung tawagin ay Wikang Filipino

 

Ang ugat ng wikang ito ay makikita noon pa man

Isang katutubong paraan ng pagsulat

Ngunit huwag itong pagkamalang Alibata

Sa halip ang Baybayin ang tama

 

Ngunit lingid sa ating kaalaman

Isang mananakop ang nag-aabang

Kristiyanismo ang ibig ilaganap at gamitin sa pananakop

Isang mananakop mula sa kanluran, Kastila ang kanilang ngalan

 

Lumipas ang panahon isang mananakop ang pumalit

Napalitan ng wikang Ingles ang wikang Espanyol

Panahon kung saan umusbong ang Abakada

Panahon kung saan sinakop tayo ng Amerika

 

Noong Enero 1942 isang mananakop ang umusbong

Mga taong singkit ang mata ay lumitaw

Wikang Niponngo ang kanilang ginagamit

Hapon kung sila ay tawagin

 

At dumating na ang panahong pinakahihintay

Panahon ng paglaya at pagsasarili

Iba’t ibang batas ukol sa wika ang naipasa

Naging talumpu’t isa ang mga titik ng Abakada

 

Panahon ng demokrasya ay dumating

Konstitusyon 1987 sa panahong ito ay umusbong

Nakasaad na ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino

Panahon kung saan naging dalawampu’t walo ang mga titik sa Alpabeto

 

Iba’t ibang konstitusyon ang umusbong

Ang LWP o Linangan ng mga Wika sa Pilipinas ay isinulong

Na may tungkuling payabungin at pagyamanin ang wikang Filipino

At inaasahang maging epektibo

 

Taong 1991 ng ito’y mapalitan

Ang KWF o Komisyon sa Wikang Filipino ay ipinakilala

Na may adhikaing itaguyod ang pananaliksik

Para sa pagpapaunlad ng Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas

 

Napalitan ang paraan ng pagdiriwang ng Wikang Filipino

Sa halip na linggo ay napalitan ito ng buwan at naging Agosto

Letrang F. J, V, Z, C, Q, Ň at X ay pinaluwag ang gamit

Upang gamitin sa lahat ng hiram na salita anuman ang barayti

 

Tunay ngang kayraming nangyari sa ating wika

Nasa atin kung ito’y magwawakas at maglalaho

O ito ang magiging muling pagsilip ng Wikang Filipino

Upang malaman ang kasaysayan at kahalagahan nito

 “TIGANG NA LUPA”

   ni: Nica Bangcuyo

 

Sa hikahos na eskinita binalot ka ng pighati

Sa takipsilim ika’y pinatid ng katagang “Tama na”

Bawat bulong ng nakaraan ikaw ay tila’y isang tigang na lupa

Tigang na lupa na hindi inalayan ng dugo at luha

Tigang na lupa na winasak ng sariling bandila

Tigang na lupa na hinalikan ng pangungutya at pagdurusa

Tigang na lupa ang ngalan ay “WIKA”

 

Bawat segundong lumipas, ang ngalan mo’y nananatiling bihag ng mapapapait na salita

Ang ngalan mo’y tila’y isang imaheng nasadlak sa dumi at putik ng madla

Ngalan na pinagkaitan ng isang kilong malasakit at isang libong pagmamalaki

Pangalan mong pilit na itinutugma sa totoong depinisyon ng pagmamahal sa sariling bansa

Ngalan mong ‘di naumay sa pagtitiis at paghihinagpis

Ngalan mong nalulong sa sakit na “Importante pa ba ako?”

Isang tigang na lupa na ‘di inalayan ng dugo at luha

Tigang na lupa na ang ngalan ay “WIKA”

 

Sa labing limang piyesang isinulat ko, hindi naumay ang hingalo kong tinta na

Isulat ang pangalan mo.

Ininda ko ang hampas ng lamig at kutya ng takipsilim, mailapat lamang ang nakasusulasok na pang-aapi sayo.

Iindahin ko.

Pipilitin kong makawala sa rehas ng kasalukuyang nilamon ng utak pang dayuhan

Pipilitin ko.

Titiisin ko ang bawat tanikala, mapatunayan lamang sa bandilang nagsilang sayo na

Hindi ka isang tigang na lupa dahil noon pa man ay inalayan ka na ng dugo at luha

Titiisin ko.

Isang pangalang inalayan ko ng respeto, pangalang nangangalaytay sa dugo ng bawat isa.

Pangako, ipaglalaban kita.

Ipaglalaban kita sa mga gabing tanging blangkong papel, itim kong tinta at yapos ng bitwin ang aking tanging kasangga.

Ipaglalaban kita sa mga umagang ikinahihiya ka nila, mga umagang dapat sana’y binibigkas ka.

Ipaglalaban kita, kahit pa ang labang ito’y dumanak ng dugo sa lupang pagmamay-ari mo.

Pangako, ipaglalaban kita.

 

"Wikang Buhay"
     ni: Gilmer Villamor

Ang wikang ating kinamulatan,
Filipino na ating Wikang pambansa.
Wikang naging daan upang magka-unawaan
Sa hirap at ginhawa

Wikang ginagamit simula sa pagmulat ng mga mata,
Pag-iisip, pananaginip, at pag-unawa.
Ito ay lagi nating kasama,
Sa bawat sigundo sa ating buhay.

Wikang Filipino na nagsisilbing ating pagkakakilanlan,
Sa pagiging Pilipino sa bansang Pilipinas.
Wikang walang katulad,
Nag-iisa lamang sa ating mga puso't isipan.

Patunay na ang wika ay buhay, 
Ito ay umuunlad at napapalitan.
Ngunit sana itong ating Wikang Pambansa,
Ay manatili at ating mahalin pa.

(Ang letratong ginamit ay hindi namin pag-aari)

"Tanikala sa nakaraan"

    ni: Nica Bangcuyo

 Pinagmamasdan ko ang mga taong gumagamit sayo

 Pinipilit kong itugma ang nais nila sa salitang "sining"

 Sining na sana'y hinulma ng mga letrang bumubuo sayo

 Nais kong maging tanikala sila ng nakaraan

 Dahil sa nakaraan ika'y inalayan ng dugo at luha

 Sa nakaraan ika'y imahe ng masining na kasarinlan at  katarungan.

 Sa nakaraan 'di ka nakalilimtang ipagmalaki at alayan ng  isang libong respeto at isang kilong wagas na pagmamahal.

 Sa nakaraan ika'y susi sa mga pangarap na 'di madaling  maabot.

 Nais kong maging tanikala sila sa nakaraan. 

 Dahil sa nakaraan inalayan ka ng pagmamalaki at pag-  uunawa na kailanman bihira mo ng maranasan sa

 Kasalukuyan. 

 Sana'y sa bawat pagyakap nila sa kasalukuyan 

 naroon pa rin ang kakarampot na binhing itinanim ng nakaraan

 Sana'y sa kasalukuyan, patuloy ka pa ring tanikala sa nakaraan

 Nakaraan na kaysarap balikan at alalahaning 

 Nakakamtan mo pa ang respeto at pagmamalaki. 

 Sana'y sa kasalukuyan mahalaga pa rin ang ating wika.

 Wika na siyang nagbigay ng pagkakakilanlan at simbolo ng iyong 

 katauhan.

 Wika na siyang katuparan ng ating mga pangarap.

Bawat segundo ay sadyang kayrahas na tila’y ang paglunok sa katotohan ang tanging basehan

Katotohanang gasgas at kayrupok na, katotohanang “Kabataan ang susi sa kaunlaran.”

Kabataan ang siyang magpapalaya sa tigang na lupa, na ‘di inalayan ng dugo at luha

Kabataan ang siyang magpapatunay na ang wika ay hindi isang lirikong isinulat ni Ely Buendia sa eskinita.

Kabataan ang siyang magpapatuloy sa mga naudlot ng nakaraan

Mga nakaraang umaasang muling madurugtungan.

Kabataan na siyang muling magsisimula sa mga katagang “WIKA ANG SIYANG MAGPAPARAYA SA ATIN”

Sa labing anim na piyesang isinulat ko mananatili sa puso, salita at utak ko na ang bansag nilang

“TIGANG NA LUPA” tigang na lupa na hindi inalayan ng dugo at luha.

Mananatili kang buhay at mayabong.

Ako’y isang kabataang handang ipadama muli sayo ang isang kilong pagmamahal at isang libong malasakit.

Gusto ko ng tapusin ang tulang ito

Kung sakaling ang bawat letrang bumubuo sa piyesang ito ay muling hampasin ng lamig at kutyain ng takipsilim.

Ang alab ng pagmamahal ko sa pangalan mo’y mananatili, at habang buhay na ‘di mababaon sa limot

Titiisin, pipilitin, ipaglalaban, ipagtatanggol

Ang tigang na lupang bumalot sa kaluluwa ko.

Tigang na lupa na siyang sumisimbolo sa pagkatao ko, pagkatao mo.

Ipagpapatuloy ko ang nakaraan, nakaraan na ‘di ka nauhaw sa malasakit at ‘di na muling makararanas ng salat sa pagmamalaki.

Ipinapangako kong ‘di ako mananatiling hunghang sa haplos ng dayuhan

Ipagtabuyan man ako ng mga alapaap, ako’y mananatiling sayo

Muling babalik at kakatok sa pintuan mong depinisyon ng karunungan at kasarinlan.

Minamahal kita Oh wika ko.

bottom of page